Inaprubahan sa unang pagbasa sa 28th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali para sa enactment ng resolusyon para sa pondong nagkakahalaga ng Php92, 940, 903 mula sa tanggapan ni Senator Loren Legarda para sa pagpapasemento ng Soledad-Las Piñas NIA Access Road, Sta. Rosa and Peñaranda (Phase II).
Ayon kay Engr. Ronaldo Luis Ciriaco, OIC ng Provincial Engineering Office, agad nilang sisimulan ang Phase II ng farm-to-market road na may habang 3.6 kilometers, na inaasahang aabutin ng 280 days o may 8-10 buwan ang itatagal bago matapos at mapakinabangan.
Una nang ipinagawa ng Provincial Government noong nakaraang taon ang Phase I ng proyekto na nilaanan nila ng Php50-million na ngayon ay napakikinabangan na ng mga magsasaka at mga motorista.
Sa delebarasyon ng Sangguniang Panlalawigan members ay hiniling ni Presiding Officer Vice Governor Anthony Umali na kung maaari ay kapalan ang semento ng gagawing kalsada upang hindi ito agad na masisira lalo na kapag dinaanan ng malalaking truck.
Sinabi ni Engr. Ciriaco na maliban sa mas kakapalan pa nila ang semento ng gagawing kalsada ay maglalagay din sila ng vertical clearance na nagtatakda ng height o taas ng sasakyang maaari lamang dumaan dito para ma-maintain at masigurong hindi masisira ang kalsada.
Maaari din aniyang maatasan ang mga opisyal o residente ng mga barangay na mabantayan ang kalsada upang masigurong hindi ito madadaanan ng overloaded o mabibigat na mga sasakyan, bagay na kanila ring ginawa sa Phase I.
Dagdag nito, malaking kapakinabangan ang naturang proyekto hindi lamang sa mga magsasaka na mas mapapadali na ang pagdadala ng kanilang mga produkto sa kabayanan at hindi na rin maputik ang kalsada kapag umuulan, magiging short-cut na rin ito ng mga byaherong pupunta ng Peñaranda o Sta. Rosa.