Regular na isinasagawa ng Public Employment Service Office-Nueva Ecija ang pagbibigay ng Employment and Career Guidance para sa mga graduating students sa sekondarya at kolehiyo at maging sa mga naghahanap ng trabaho.
Ayon kay PESO Manager Ma. Luisa Pangilinan, isa sa core function o trabaho ng kanilang opisina ang pagsasagawa ng oryentasyon sa mga magsisipagtapos sa High School upang mabigyan sila ng tamang gabay para sa kursong nais nilang kunin sa kolehiyo.
Isinasaalang-alang aniya nila sa pagbibigay ng patnubay sa mga mag-aaral ang kakayanan ng pamilya ng mga mag-aaral kung kaya ba nilang tustusan ang kursong ninanais nilang kunin sa kolehiyo at kung anong kurso ba ang nararapat nilang kunin.
Patuloy din sila sa pagbibigay ng kaalaman para sa mga gagraduate sa kolehiyo at sa mga job seekers sa tamang pagpipresenta ng kanilang mga sarili, tamang pananamit at pagsasalita sa mga job interviews.
Payo ni PESO Manager Pangilinan sa mga magsisipagtapos sa kolehiyo na nagbabalak na maghanap kaagad ng trabaho at maging sa mga job seekers na huwag maging mapili sa trabaho dahil maaari itong maging tuntungan nila upang maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Mapalad din aniya ang mga Novo Ecijano dahil palaging nakasuporta sina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali sa lahat ng mga programa ng kanilang tanggapan, mapa-pangkabuhayan man o trabaho na nagbibigay kapakinabangan sa mga mamamayan.— Ulat ni Jovelyn Astrero