
Sa kasalukuyan ay may itinatayong bagong Dialysis Center ang Pamahalaang lokal ng Bayan ng Talavera na matatagpuan sa Brgy. Sampaloc, Talavera na inumpisahang gawin noong July 22, 2019.

Tatlong milyong piso ang nakalaang pondo sa Phase 1 ng bagong gusali na nagmula sa dating Senador Bam Aquino sa ilalim ng DPWH o Department of Public Works and Highways project. Sampung milyong piso naman ang Phase 2 na magmumula sa LGU o Local Government Unit.
300 Square Meters ang sukat ng gusali at 500 square Meters naman ang sukat ng lugar.
Sa aming ekslusibong panayam kay Talavera Mayor Nerivi Santos Martinez, noong nakaraang taon pa nila plano na magpagawa ng Dialysis Center. Nakipagdayalogo pa umano ito sa DPWH para maisakatuparan ang pangarap na gusali para sa mga kababayang may sakit sa kidney.
Hindi na aniya kailangang dumayo ang mga kababayan sa malalayong lugar para doon magpagamot. Dahil ramdam umano nito ang hirap mula sa papapagamot, transportasyon, pagkain at iba pang mga gastusin.

Tiniyak naman ng Mayora na libre o walang babayaran ang mamamayan basta sila ay residente ng Talavera. Layuning matulungan at maiabot ang serbisyong pangkalusugan ng lokal na pamahalaan partikular sa mga mahihirap na hindi kayang magpagamot.

Halos hindi naman makapagsalita sa labis na kaligayahan si Lola Heliria Dumayag ng malaman na magkakaroon na ng dialysis center ang kanilang bayan.
Dalawang beses na kasi siyang pabalik balik sa Kidney Center sa Manila mula ng ma- diagnosed sa chronic kidney disease taong 2016. Napakahirap aniya dahil wala naman silang sapat na halaga para sa pagpapagamot na aabot ng apat na libo kada sesyon maging ang kanilang sakahan ay nakasanla na rin dahil sa sakit nito.
Inaasahan namang matatapos sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ngayong taon ang bagong gusali na may 18 machines na kayang magproseso sa humigit kumulang dalawampu’t limang pasyente.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran