Ipinaliwanag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mayroong dalawang proseso para maitama ang ilang pagkakamali sa isang birth certificate.
Ito ay ang pagpunta sa Local Civil Registry Office kung saan nakarehistro ang dokumento o sa korte.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9048 at 10172 ang City o Municipal Civil Registrar ay pinapahintulutan na itama ang mga maling impormasyon na nakapaloob sa mga dokumentong nasa kanilang pangangalaga katulad ng birth certificate.
Ang kapangyarihang ito ay angkop lamang sa mga typographical o clerical error kagaya ng maling spelling ng pangalan, nagkapalit ang pangalan ng magulang, taon/lugar ng kasal ng magulang, gender at mali ang araw o buwan ng kapanganakan.
Ngunit, kung ang pagkakamali naman ay ukol sa impormasyong may kinalaman sa nationality, edad, o estadong sibil ng isang tao ay kakailanganin nitong dumaan sa husgado.

Ayon kay Nueva Ecija Psa Chief Statistical Specialist Engr. Elizabeth Rayo, dapat i-file ang petisyon ng pagpapabago sa Civil Registration Office kung saan nakarehistro ang birth certificate ng indibidwal.
Aniya, ang pagkokorek ng dokumento ay nagkakahalaga ng P1,000 hanggang P3,000 depende sa ipapabago.
Habang ang mga petitioner na mahihirap at walang trabaho o pinagkakakitaan, ay maaaring malibre sa filing fee. Mag submit lang ng “Certification of Indigency” na galing sa City o Municipal Social Welfare Development Office.
Ang mga dapat dalhing dokumento ay ang mga sumusunod:
- PSA/NSO birth certificate
- Dalawa o higit pa na pampubliko o pribadong dokumento. Halimbawa: baptismal certificate, voter’s affidavit, employment record, school record, business record, driver’s license, NBI/police clearance, at iba pa.
- Sa may mali sa kasarian, kailangan ang medical certificate na nagpapatunay ng isang accredited government physician na hindi pa nakadanas ng pagpapalit ng kasarian o sex change ang petitioner.
Paalala ni rayo, agarang ayusin ang mga pagkakamali sa mga dokumento dahil kalaunan ay gastos at problema ang idudulot nito.
Para sa iba pang impormasyon at kabuuang detalye, magtungo lamang sa inyong Local Civil Registry Office o sa PSA Provincial Office na matatagpuan sa 3rd floor Harrison Building Dicarma, Cabanatuan City. –Ulat ni Danira Gabriel