
Dalawa lamang sina Gener Vicente at Edilberto Agustin sa dalawampung Mentees sa lalawigan na nagtapos sa Kapatid Mentor Micro Enterprise Program ng DTI o Department of Trade and Industry noong August 2, 2019 sa Royal Crest Hotel, Cabanatuan City.
Iprinisinta ni Gener Vicente, Owner ng San Vicentes Homemade Kakanin, ang kaniyang mga natutunan sa tatlong buwang training sa KMME program sa harap ng mga panelists. Aniya ang pagpasok niya sa pagsasanay sa DTI ay malaking oportunidad para sa kaniya dahil ito ang nagbigay at magbibigay pa sa kaniya ng mas malawak na network sa pagnenegosyo.
Mas naging ‘motivated’ aniya siya na ipagpatuloy ang legacy ng kaniyang mga magulang sa 35 na taong pagnenegosyo nito ng mga epesyal na kakanin. Mas namulat aniya siya na ang kaniyang minanang negosyo ay pwede pang mapapalago dahil parte ng tradisyon at kultura ng mga Pilipino ang mga pagkaing kakanin.

Masaya naman si Edilberto Agustin, May-ari ng Agustin Edver’s Footwear, dahil aniya sa DTI ay mas marami siyang natutunan sa training mula sa pasikut sikot sa negosyo legal issues, compliances, market, pangalagaan ang kanilang mga trabahador at maging sa pinansyal na aspekto.

Ayon naman kay Brigida Pili, ang pagpiprisinta ng Business Improvement Plan ng mga mentees sa harapan ng mga panelist ay hamon sa kanila kung sila ba ay may natutunan sa pagsasanay.
Layunin aniya nito na mapaunlad ang kanilang maliliit na negosyo at mapapalawak at makaakit pa ng mas maraming trabaho sa mga Novo Ecijano sa lalawigan.
Tiniyak pa niyang hindi pagsisisihan ng mga mentees ang kanilang pagpasok sa DTI dahil ang lahat aniya ng mga nagtapos na negosyante sa 1st at 2nd batch ay marami ang umunlad sa kani-kanilang negosyo katuwang ang DTI.
Kabilang sa mga napag aralan sa sampung modules ay ang Entreperneurship, Mindset, Mentoring, Money, Machine, Model , Organizational Management, Production, Product Development Katulad ng Packaging Technology, Marketing At Financing. -Ulat ni Getz Rufo Alvaran