Sa harap ni Former Gov. Czarina “Cherry” Umali ay opisyal na nanumpa sa katungkulan ang mga mga halal na opisyal ng Nueva Ecija, noong biyernes, June 28, 2019, na ginanap sa Convention Center, Palayan City.
Kabilang sa mga nanumpa sa Mass Oathtaking Ceremony ay sina Gov. Aurelio “Oyie” Umali, Vice Gov. Anthony Umali, kasama ang mga nanalong Board Member ng apat na distrito at mga lokal na opisyal ng lalawigan.
Sa unang bahagi ng mensahe ng bagong Gobernador, pinasalamatan nito si Gov. Cherry sa mahusay na liderato upang manatiling matatag sa kabila ng mga hinarap na hamon ng probinsiya.
Taos-puso ring nagpasalamat si Gov. Umali sa mga taong nagtiwala at sumuporta sa kaniya sa nakaraang eleksyon.
Aniya, kundi dahil sa kanila ay hindi siya muling makababalik upang umupo sa kaniyang pang-apat na termino bilang Punong Lalawigan.
Bukod sa pagpapatuloy ng mga kasalukuyang programa at proyekto ng Provincial Government ay plano ng Gobernador na mas lalo pang pagandahin at palaguin ang ekonomiya ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng pagpapagawa ng maraming pang kalsada upang magdugtong sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at kalapit na mga probinsiya.
Ninanais din ng Punong Lalawigan na muling ibalik ang dangal na nawala sa mga Novo Ecijano sa nangyaring “money politics” sa nakaraang eleksyon.
Malaki aniya ang kaniyang paniniwala na mayroong pa ring mga Novo Ecijano ang marunong tumingin sa mga nagawa at hindi magpapabulag sa panunuhol ng ilang politiko.
Naniniwala si Gov. Oyie na hindi magiging madali ang muling pamumuno, ngunit ito ay magiging makabuluhan para sa magandang kinabukasan ng bawat Novo Ecijano.
Samantala, handang-handa ng maghatid ng panunungkulan sa Sangguniang Panlalawigan si Vice Gov. Anthony Umali.
Ayon sa Bise Gobernador, nakasuporta ang Sanggunian para sa mga makabuluhang programa at proyektong ipatutupad sa lalawigan.
Kagaya na lamang ng Provincial Food Council na mamamahala sa pagbili ng palay ng mga lokal na magsasaka upang maalalayan sila sa epekto Ng Rice Tariffication Law.
GOVERNOR
1. UMALI, OYIE (SIGAW) 477,066
2. BOTE, VIRGILIO (PDPLBN) 337,925
VICE GOVERNOR
1. UMALI, DOC ANTHONY (SIGAW) 510,253
2. JOSON, EDWARD THOMAS (PDPLBN) 405,005
Si Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony ay lumamang ng mahigit isang daang libong boto laban kina Virgilio Bote at Edward Joson ng PDP-Laban noong nakaraang halalan. – Ulat ni Danira Gabriel