Mahigit 300 estudyante mula Grade 5 – Grade 6 at nasa 50 guro ang dumalo sa Orientation to Primary Educators and Learners o OPEL na programa ng National Irrigation Administration – Upper Pampanga River Integrated Irrigation System o NIA – UPRIIS  Division II.

Unang nagsagawa ng OPEL ang ahensya sa Sunson Elementary School sa bayan ng Aliaga noong June 14, kasunod ang Mataas na Kahoy Elementary School sa bayan naman ng General Natividad noong Lunes at panghuli sa Campos Elementary School sa bayan ng Talavera noong Martes, June 18, 2019.

Ayon kay Estelita Verayo, Supervising Institutional Development Officer ng NIA – UPRIIS Division II, layunin ng naturang programa na ipaalam sa mga bata maging sa mga guro kung ano nga ba ang NIA, mga gampanin nito at papaano pangalagaan ang mga patubig sa bukid na pinamamahalaan ng naturang ahensya.

Dagdag pa niya, bilang makabagong henerasyon sa kasalukuyan ay mahalaga na maituro ito sa mga kabataan upang maipasa nila ang kaalamang ito sa mga susunod na henerasyon para makamit ang tunay at tamang pangangalaga sa mga patubig.

Ilan sa mga sinabi ni Verayo na dapat iwasang gawin para sa mga irigasyon ay ang pagtatapon ng basura na makakabara sa daluyan ng tubig, pagpapalusong ng kalabaw sa irigasyon, at ang paliligo ng mga bata sa patubig.

Ito ang unang taon na isinagawa ang programa kung saan naging katuwang ng naturang ahensya ang mga Irrigator’s Association sa kanilang dibisyon sa pagbibigay kaalaman sa mga mag-aaral at guro.

Nagpapaalala naman si Verayo sa mga Novo Ecijano na hindi lang sana magsasaka kundi magtulong-tulong ang lahat at ituro sa mga kabataan ang tamang pag-iingat sa mga irigasyon. – Ulat ni Jessa Dizon