Kinoronahan ang 17 anyos na binibini mula sa barangay calabalabaan bilang Mutya ng Lungsod Agham Ng Muñoz 2019.

Wala mang nakuhang special awards ay hinirang pa rin bilang pinakamagandang dilag sa naturang lungsod si Michela Nicole Rivera ngayong taon.

Si Rivera ang pang labingwalong binibini na mapalad na nakapag-uwi ng korona.

Mula sa kanilang mga kasuotang kaswal, kasuotang panlangoy at kasuotang pormal ay hindi nagpahuli si Michela sa pagrampa.

Pinatunayan ng Senior Highschool Student na kaya niyang makipagsabayan sa 24 na binibini na mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Samantala, hakot award naman si Aeroz Rednaxela Ganiban mula sa Brgy. Poblacion South.

Naiuwi ni Ganiban ang Binibining Photogenic, Binibining Le’rad, Binibining Olay, Binibini para sa kasuotang pormal at nasungkit ang Mutya ng Lungsod Agham 2019 1st runner-up.

Wagi rin bilang 2nd runner-up ang 21 anyos na si Jean Palada ng Brgy. Poblacion East. Nakuha ni Palada ang Miss Friendship, Best in Casual Wear at Best Swim Wear.

Bukod sa tatlong kandidata na itinanghal, napabilang din sa top 10 sina Jeremy Valerio ng Brgy. Bantug, Teresa Joy Watiwat ng Brgy Villa Cuizon, Trishia Mae Soriano ng Brgy. Maligaya, Jemimah Mae Olo at Alyssa Habiling ng Brgy. Poblacion West, Danica Tabangcura ng Brgy. Bical, at Jessa Mae Arrogante ng Brgy. Villa Isla.

Ang mga inirampang kasuotan ng mga binibini ay handog ng Lungsod Agham ng Muñoz sa pangunguna ni Mayor Nestor Alvarez.

Ayon kay Mayor Alvarez, ang Mutya ng Lungsod Agham ay isa ng tradisyon sa kanilang lungsod.

Buong puso rin ang pagbati ni Doc Anthony Umali  sa kanilang pagdiriwang ng ika-anim na Uhay Festival: Ani ng Sining at Agham at ika-labing walong taon na pagkakatatag ng Science City of Muñoz. –Ulat ni Shane Tolentino