Binigyan ng pagkakataon ni PNP Chief Director General Purisima ang media kabilang ang team ng Balitang Unang Sigaw na makita ang kanyang kontrobersiyal na ari-arian sa Barangay Magpapalayok sa bayan ng San Leonardo.
Naninindigan ang mga kamag-anak ni PNP Chief Purisima na ordinaryo lamang ang bahay na nakatayo sa 4.5 hectares na lupain.
Ipinapaubaya na ng pamilya ni Purisima sa mamamayan ang paghusga kung maihahanay nga ba sa isang mansion ang bahay nito.
Ito ang layunin kung kaya ipinasilip ng heneral ang nasabing bahay sa mga kagawad ng media.
Umaabot sa 3,000 square meters ang lupang nababakuran kung saan sakop ang main house, gazebo, swimming pool, at guest house.
Nabili umano ni PNP Chief Purisima ang lote noong taong 1998, 2002 naman inumpisahan ang konstruksyon ng bahay, at noong 2012 ay nagkaroon ng renovation dahil binabaha ang lugar.- Ulat ni Clariza De Guzman