Nasa unang hakbang na ang DepEd o Department of Education ng Nueva Ecija para sa ISO o International Organization for Standardization Certification na target nilang makuha sa buwan ng Setyembre kasabay ng pagdiriwang ng kanilang 117th founding anniversary.

Pahayag ni Ronaldo Pozon, Schools Division Superintendent, ang pagiging ISO Certified ay isa sa mga paraan upang maisakatuparan ang kanilang pangarap sa DepEd Nueva Ecija na lalo itong mapaunlad.

Nitong nakaraang lunes, May 7, nagsama-sama ang mga DEpEd Personnel mula sa superintendent hanggang sa mga utility workers sa SDO o Schools Division Office Conference Hall sa bayan ng Sta. Rosa upang magkaroon at lumawak ang kamalayan ng mga ito tungkol sa Quality Management System at foundation course para sa ISO 9001 : 2015.

Ayon kay Juan Aquino Jr., Office Head ng Total Management Office of Subic Bay Metropolitan Authority, layunin  nilang magkaroon ng istandardisasyon sa serbisyo ng DepEd na pakikinabangan ng kanilang mga kliyente.

Dagdag pa ni Aquino, sa unang hakbang ay dapat na malaman ng lahat ng empleyado ng DepED Nueva Ecija ang standard ng International System upang mapaghusay ang kalidad ng kanilang serbisyo.

Pagkatapos aniya nito ay dadaan pa sila sa apat na hakbang kabilang na ang Documentation, Risk Assessment, Internal Audit System at panghuli ang Gap Analysis. Dito aniya malalaman kung ang DepEd Nueva Ecija ay nakahanay na sa naturang standard upang maging ISO Certified.

Samantala, nananatiling matatag ang naturang ahensya sa kanilang dedikasyon na makapagbigay ng magandang kalidad ng edukasyon para sa mga kabataang Novo Ecijano. –Ulat ni Irish Pangilinan