Nakiisa ang isang daan at tatlumpo’t dalawang kandidato ng Barangay at SK Election na mula sa iba’t ibang munisipyo at lungsod ng lalawigan sa isinagawang Peace Covenant Signing bilang pakikibahagi sa mapayapang halalan ngayong taon na ginanap noong April 19, 2018.

Ang panunumpa at paglagda ay pinangunahan nina NEPPO-Provincial Director, PSSUPT. Eliseo Tanding, COMELEC-NE provincial Election Supervisor, Atty. Panfilo Doctor, AFP Commander 703rd Agila Brigade, BGEN Abraham Claro Casis, mga kinatawan ng DILG-NE, DepEd-NE, Provincial Treasurer’s Office, religious sector, pribadong grupo at media.

Ayon kay Atty. Panfilo Doctor, ang aktibidad ay naglalayon na hikayatin ang mga kandidato na magtaguyod ng isang matapat, maayos at mapayapang halalan.

Dagdag pa ni Doctor, sa kasalukuyan ay maayos ang preparasyon sa nalalapit na eleksyon sa probinsiya. Sa katunayan ay inilatag na aniya ng Provincial Joint Security Council ang deployment sa mga pulis at paghahanda sa seguridad sa bawat presinto at polling centers.

Matapos ang paglagda ay sabay-sabay na nagpalipad ng puting lobo ang mga kandidato. –Ulat ni Danira Gabriel