Inihain ni Quezon Rep. Angelina Tan ang House Bill 1035 na layong ipagbawal ang paggamit ng videoke o anumang amplifying device sa mga residential area mula alas-10 ng gabi hanggang alas-7 ng umaga.
Ayon rito, kinakailangan ding mayroong permiso mula sa barangay bago makagamit ng videoke ang mga residente kapag umaga.
Kailangan din ng mga barangay official na inspeksyunin muna ang bahay ng residente at kung ano mang istraktura ang nasa 50-metrong paligid nito bago maaprubahan ang permit.
Ang mga mahuhuling lalabag sa naturang panukala ay maaaring maharap sa P1,000 multa.
Samantala, una nang hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lokal na pamahalaan na aksyunan ang mga videoke session na inaabot ng madaling araw. Nagpatupad dina ng president ng isang ordinansa kaugnay nito noong alkalde pa siya ng Davao City.