Nananatiling hawak ng Wesleyan Riders ang unang pwesto sa Women’s Volleyball at silang unang aabante para sa Semi Finals ng NECSL Season 3.
Susubukan naman ng NEUST Phoenix na nasa ikalawang pwesto na maagaw ang titulo sa Wesleyan Riders kung saan sa naganap na laban sa pagitan ng nasabing koponan ang unang pagkakataon na nakatanggap ng pagkatalo.
Pinatunayan ng CRT Blue Fox na nasa ikatlong pwesto na malakas ang kanilang team ngayong taon. Sa kanilang pakikipagbakbakban sa lahat ng koponan, tanging laban sa Riders ang hindi nila makalilimutan.
Lumusot naman sa Final 4 para sa Semis ang AMA Titans. Tinalo man sila ng Riders, Phoenix at Blue Fox, patuloy pa rin sila sa pakikipaglaban para makuha ang titulo.
Samantala sa Men’s Basketball, hindi papipigil ang NEUST Phoenix sa pag-arangkada. Sa lahat ng koponan na kanilang nakalaban, hindi bumababa sa sampung puntos ang kalamangan datapwat umaabot pa hanggang sa kalahating puntos ng kabuuang score ang lamang.
Mahigpit na makakalaban ng Phoenix ang Wesleyan Riders na nasa ikalawang pwesto. Mahigpit din ang depensang ipinapamalas ng mga manlalaro ng nasabing koponan kung kaya’t hirap din ang ibang koponan na padapain ang kanilang team.
Noong nakaraang taon, bigo man na makapasok ang koponan ng Lacson Golden Lions sa Top 6, ngayong taon, natupad na ng koponan ang kanilang matagal nang hinahangad na mapabilang sa Final 4 ng Semi-Finals.
Ito naman ang unang pagkakataon na mapabilang sa top 4 ang Manuel V. Gallego Ambassadors sa tatlong taon na kasali sa kompetisyon. Ito na ang maaaring simula ng kanilang malakas at matibay na team work ng grupo. Natalo man sa mga bigating koponan, taas noo pa ring susugod para sa kampeonato.
Sa susunod na Linggo, malalaman kung sino ang maglalaban para sa Finals at siyang hihirangin ngayon taon bilang pinakamalakas na koponan sa NECSL Season 3.- Ulat ni Shane Tolentino