Good news para sa mga Novo Ecijano na apektado sa rehabilitasyon ng DPWH sa Cabu Bridge sapagkat may inaayos na alternatibong ruta para sa mas mabilis na pagbyahe.

Agad na pinaayos ng provincial government sa pangunguna ni Gov. Czarina Umali ang alternatibong daan para sa mga manggagaling ng Palayan City at magtutungo sa Cabanatuan City. Ang daan ay magmumula sa Brgy. Aulo, Sitio Kalanutan ng Palayan City at lalabas sa kalsada ng Brgy. Maligaya at kakanan papuntang Fort Magsaysay patungo sa Lungsod ng Cabanatuan.

Kung magmumula naman sa Cabanatuan City patungong Palayan City, kumanan sa Barangay Bangad papuntang Fort Magsaysay. Bago dumating ng Tanawan, Laur ay lumiko pakaliwa sa Brgy. Maligaya, Palayan City.

Makikita rito ang kapilya ng Maligaya Iglesia ni Cristo. Pagkatapos ay kumanan sa sementeryo hanggang sa makalabas sa Brgy. Aulo, Palayan City.

Kung galing naman sa Sta Rosa, lumiko sa Minatula Bridge, Sta. Rosa, bago dumating ng Tanawan ay lumiko pakaliwa sa Brgy. Maligaya, Palayan City.

Ang daan na ito na tinatayang may habang sampung kilometro, mas mabilis daanan kaysa umikot pa ng General Natividad.

Inaasahan naman na mabubuksan ang daan na ito sa pagtatapos ng linggo kung magtutuluy-tuloy nag ganda ng panahon.

Ang alternatibang daan na ito ay para sa mga light vehicles lamang. Inaabisuhan ang mga truck at malalaking sasakyan na umikot na lang muna sa General Natividad.