Hindi lamang gatas at karne ang maaaring maging kapakinabangan ng mga bakang ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan dahil maaari umano itong gamitin sa bukid bilang kapalit ng kalabaw.

Ayon kay Tatay Severino Obina ng Barangay Rajal Centro ng bayan ng Sta. Rosa, bagaman malaki ang pagkakaiba ng baka sa kalabaw ay maaari din naman aniyang mapakinabangan sa tuyong lupa sa bukid ang baka, tulad ng panghila sa kariton at pangdukit sa pilapil.

Sa kagaya niyang walang kalabaw ay malaking tulong na rin aniya ang baka bilang katuwang sa pagtatrabaho sa bukid.

Menos gastos naman para kay Cesar Dela Cruz ng Barangay Gomez ng naturang bayan, ang pagkakaroon ng baka dahil hindi na kinakailangang umupa pa ng kalabaw para sa magagaan na trabaho sa bukid, tulad ng pagdurog ng lupa.

Sina Tatay Severino at Cesar ay kabilang sa tatlumpo’t tatlong mga benepisyaryong tumanggap ng baka sa Bayan ng Sta. Rosa, sa kaparehong araw ay namahagi din ang Provincial Government ng labing pitong baka pa sa Bayan naman ng Laur.

Ang mga bakang ipinamahagi ay nasa lima hanggang pitong buwan na, at limang buwan na lamang ang hihintayin upang magbuntis ito.

Sa ilalim ng Katibayan ng Pagtanggap at Pagsang-ayon,  narito ang ilang patakaran ng programa:

  1. Hindi maaaring ibenta o katayin ang mga bakang ipinagkaloob sa kanila;
  2. Magiging ganap na pag-aari ng benepisyaryo ang baka kapag ito ay tuluyang nagkaroon ng supling na siyang ibabalik nila sa programa para maipagkaloob naman sa iba;
  3. Ang mga susunod na supling at ang orihinal na baka ay personal ng magiging pag-aari ng benepisyaryo;
  4. Sakaling mapilay, magkasakit o mamatay, agad na itatawag ito sa mga kinauukulan—sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na kasama sa implementasyon ng programa. Sakaling mabigo ang benepisyaryo na iparating sa kanila ang impormasyon, at nawala ang baka nang hindi nila nababatid ang mga kaganapan, aariing personal ng benepisyaryo na responsibilidad ang pagkawala nito at maaari nitong bayaran ang aktwal na halaga ng nawala o namatay na baka.

Sinimulan ng Provincial Government ang pamamahagi ng mga baka noong November 2016 sa mga nasalanta ng bagyong Karen at Lawin upang matulungan silang makabangong muli, at inaasahang matatapos ang pamamahagi sa buwan ng Setyembre ng taong kasalukuyan.

Sa kabuuan ay nasa isang libo apat na raan at limampong (1450) mga baka ang handog ng administrasyon ni Governor Czarina Umali para sa mga magsasaka at mamamayan ng iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsya.