Inaprubahan sa Ika-dalawampu’t limang session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang Supplemental Budget ng 18 barangay ng lungsod.
Kasabay ng pag apruba, muling hinikayat ni Vice Mayor Anthony Umali ang mga kapitan na dumalo sa mga session.
Base sa dokumentong isinumite ng mga barangay, karaniwang pag gagamitan ng kanilang pondo ay mid-year bonus at benefits ng mga kawani ng barangay, training expenses, repair and maintenance ng sasakayan at opisina.
Habang ang Brgy. H. Concepcion ang may pinakamalaking supplemental budget na nagkakahalaga ng P1.9 million. Sumunod ang Brgy Dicarma, na umabot ng halos walong daang libong piso at mahigit apat na raang libong piso sa brgy caalibangbangan.
Babala ng Bise Alkalde, sa mga kapitan at opisyal ng barangay na gamitin sa tamang proyekto at programa ang naturang pondo.
Aniya, may mga pagkakataon umano sa ilang barangay na kapag nakuha na ang pondo ay gagastusin na ito sa ibang bagay na wala sa listahan ng kanilang inaprubahang kahilingan.
Ang Supplemental Budget ay kinukuha sa mga nakokolektang buwis sa Revenue Property Tax(RPT) at Unappropriated Balance ng barangay. –Ulat ni DANIRA GABRIEL