Dinukot umano ng pinagsanib pwersa ng Philippine Army at Philippine National Police ang organisador ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon-Nueva Ecija na si Rommel Tucay na dinakip sa Sitio Cumpra, barangay General Luna Carranglan at sinasabing mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front.

Sa isang press conference, pinabulaanan ng AMGL-NE sa pangunguna ni Nilo Melegrito na miyembro ng NPA si Tucay at iginiit na organisador lang ito ng mga magsasaka sa Carranglan na apektado ng mababang presyo ng palay at mga manggagawang bukid na naaagawan ng hanap-buhay ng harvester.

Nagpatawag ng press con ang Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon ukol sa diumano’y pagdukot ng mga military at pulis sa kanilang organisador na si Rommel Tucay.

Kasama ring humarap sa media si Amador Cadano ng Mothers and Relatives Against Tyranny- Nueva Ecija at Freddie Sucaban na taga-Carranglan at miyembro rin ng AMGL. Ipinaliwanag ng dalawa na nagkakaisa ang mga magsasaka upang sama-samang ipaglaban ang kanilang karapatan para sa lupa at kabuhayan.

Ayon kay Cadano, katulad ng kanyang anak na si Guiller Cadano at kasamahan nitong si Gerald Salonga, si Rommel Tucay ay biktima lamang ng panunupil ng militaristang elemento ng gobyerno.

Matatandaan na sina Cadano, at Salonga na kapwa mga kabataang aktibista ay hinuli noong August 9, 2014 ng mga elemento ng 3rd Infantry Battalion ng Philippine Army sa barangay R.T Padilla, Carranglan, inakusahang mga miyembro ng New People’s Army, at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives. Makaraan ang mahigit dalawang taon, pinawalang sala at pinalaya noong December 5, 2016.- ulat ni Clariza de Guzman