Bukod sa pagiging mabuting modelo at inspirasyon, ang pagtulong sa mga kabataang nalilihis ng landas ang magiging pangunahing adbokasiya ni Alyana Joy Garcia matapos niyang masungkit ang korona at tanghalin bilang Binibining Zaragoza 2017.

Ayon kay Garcia, hindi inaasahan ang kanyang pagkapanalo ngunit patutunayan pa rin niya na siya ang karapat-dapat para sa korona.

NAIUWI NI ALYANA JOY GARCIA ANG KORONA BILANG BINIBINING ZARAGOZA 2017 NITONG NAKARAANG LINGGO, APRIL 2, SA ZARAGOZA MUNICIPAL GYMNASIUM.

Isa lamang si Garcia sa labintatlong kandidata ng naturang kompetisyon na inabangan at sinuportahan ng mahigit sa isang libong manonood na dumagsa sa Zaragoza Municipal Gymnasium nitong nakaraang Linggo.

Ito ang nagsilbing highlight ng pagdiriwang ng kapistahan o ng 139th Founding Anniversary ng bayan ng Zaragoza

Ayon sa pageant director at organizers, taun-taon ay pinagaganda nila ang presentasyon ng kompetisyon ngunit mas naging pulido umano ito ngayon kumpara sa mga nagdaang taon dahil sa simple at classical nitong tema

Bawat kandidata ay nagpatalbugan at rumampa suot ang kanilang filipiñana costume, casual wear, swimwear at evening gown.

Pinabilib din ng nila ang mga hurado at mga manonood sa kanilang matatalinong pagsagot sa Question and Answer portion.

Iba’t ibang special awards ang tinanggap ng mga kalahok na nagmula sa provincial government, municipal government at iba’t ibang sponsors.

Itinanghal bilang 4th runner up si binibining 13, Alyssa Karla Palapal.

3rd runner up naman si binibining 10- Hamlet Grace Guevara.

Si binibining 3 – Claire Daffney Fermin naman ang itinanghal bilang 2nd runner up

Habang si binibining 7- Bea Valencia naman ang 1st runner up.

Halos maiyak naman si Garcia matapos tanghalin bilang Binibining Zaragoza 2017.

Samantala, si garcia rin ang inaasahang magiging kinatawan ng bayan ng Zaragoza para sa binibining nueva ecija 2017 at iba pang malakihang beauty pageants sa buong lalawigan.- Ulat ni JANINE REYES.