Hindi lubos-akalain ni Flora Martin na mabibigyang katuparan ang matagal na niyang kahilingan na maoperahan sa mata dahil sa sakit na katarata.
Nitong Martes kasi ay napabilang siya sa anim na maswerteng benepisyaryo ng libreng operasyon sa mata, hatid ng Department of Health at provincial government sa tulong ni Governor Cherry Umali.
Ito ay sa ilalim pa rin ng mas lumalawak na programang Community Eye Health na naglalayong magbigay ng libreng konsultasyon, operasyon at medikasyon para sa lahat ng Novo Ecijano.

ANG DEPARTMENT OF HEALTH AT PROVINCIAL GOVERNMENT AY NAGBIBIGAY NG LIBRENG OPERASYON SA MATA SA SAN ANTONIO DISTRICT HOSPITAL PARA SA LAHAT NG NOVO ECIJANO NA MAY KATARATA AT IBA PANG SAKIT SA MATA.
Bukod kay aling Flora, matagumpay ring naoperahan ang limang pasyente na kinabibilangan nina Adelaida Bondoc, Filomina Roque, Marcelino Cristoval, Victoria Conde at Joel Esguerra, lahat ay nagmula sa bayan ng San Antonio. Apat sa kanila ang tinanggalan ng katarata habang ang dalawa naman ay inalisan ng pterygium o pugita.
Kasabay ng naging operasyon, ay nagsagawa rin ang ospital ng libreng konsultasyon sa mata sa dalawampu’t pitong Novo Ecijano mula naman sa bayan ng Bongabon.
Sa isinagawang check-up,labindalawa ang nakitaan ng katarata, lima sa kanila ang bibigyan ng medikasyon habang ang pito ay kailangan na ng operasyon, isa ang nakitaan ng glaucoma, tatlo ang may pterygium o pugita sa mata, habang lima naman ang bibigyan ng libreng medikasyon.

27 NOVO ECIJANO MULA SA BAYAN NG BONGABON ANG NABIGYAN NG PAGKAKATAONG MAKAPAGPAKONSULTA NANG LIBRE SA SAN ANTONIO DISTRICT HOSPITAL NITONG NAKARAANG MARTES, MARCH 28.
Samantala, inaasahang ooperahan na rin sa mga susunod na araw ang iba pang pasyenteng nakitaan ng katarata at pugita sa mata.
Patuloy rin na iikot ang mga tauhan ng kapitolyo para maghatid-sundo ng mga Novo Ecijanong nais magpakonsulta ng libre sa nasabing ospital. – ULAT NI JANINE REYES.