Hindi umano apektado ang Nueva Ecija Provincial Police sa mga kontrobersiyang kinahaharap ngayon ng Philippine Pational Police kasunod ng pagkakabuwag ng Anti-illegal Drugs Group maging ng lahat ng anti-drug units sa lahat ng level matapos mabulgar na sangkot ang mga tiwaling pulis sa mga krimen partikular sa pagdukot at pagpaslang sa South Korean trader na si Jee-ick Joo sa loob ng Camp Crame.

   Sa isang press conference, proud na ibinalita ni Provincial Director Yarra na walang kahalintulad na insidenteng nangyari sa lalawigan kung saan nadadawit sa katiwalian ang mga miyembro ng kapulisan.

   Ngunit tinitiyak pa rin aniya na malinis ang hanay ng NEPPO sa pamamagitan ng pagtsitsek ng kanilang mga tauhan at pagdidisiplina sa mga ito.

Ang mahigit kumulang 200 tauhan ng NEPPO habang nanunumpa ng katapatan sa watawat ng Pilipinas.

Ang mahigit kumulang 200 tauhan ng NEPPO habang nanunumpa ng katapatan sa watawat ng Pilipinas.

   Kaugnay ito ng utos ni Presidente Rodrigo Duterte kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na ipatigil muna ang operasyon ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel upang pagtuunan muna ng pansin ang “internal cleansing” sa mga tinaguriang scalawags o tiwaling parak na sumisira sa kanilang imahe.

   Sa kasalukuyan, pinangungunanahan ng PDEA ang anti-illegal drugs campaign, habang itinalaga naman ang anti-narcotics unit ng PNP na dapat makipag-ugnayan sa naturang ahensiya bago kumilos.

   Dagdag ni PD Yarra, nakipag-dialogue na rin umano ang kapulisan ng Nueva Ecija sa mga Koreanong residente ng Science City of Muñoz para malaman ang kanilang kalagayan at seguruhin ang kanilang kaligtasan kontra pananamantala ng mga alagad ng batas.- ulat ni Clariza de Guzman