Binigyan ni Department of Agriculture Sec. Manny Piñol ng humigit kumulang P20M halaga ng mga makinarya at ayuda sa agrikultura ang mga magsasaka ng Nueva Ecija, sa ginanap na Agricultural Summit ng Provincial Government sa Palayan City.

Ribbon Cutting Ceremony ng mga lokal na produkto sa lalwigan na ginanap sa agri summit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Gov. Cherry Umali.
Sa pagbisita ni Sec. Piñol, isa-isa niyang binigyang katuparan ang kahilingan ng mga Novo Ecijanong magsasaka at sinolusyunan ang kanilang mga problema.
Ayon kay Sec. Piñol, layunin ng kaniyang pag-i-ikot sa mga bukirin sa bansa o tinatawag niyang “Bisita sa Bukid” ay upang personal niyang makausap ang mga magsasaka at malaman ang kanilang mga suliranin.
Katwiran ng Kalihim dama umano niya ang buhay ng isang magsasaka na naghahanap ng gobyernong tutulong upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Matapang ding inihayag ng Sekretaryo na iba na ang kalakaran ngayon sa Department of Agriculture.
Isa pang magandang balita ang inihatid ni Sec. Piñol na lubos na ikinagalak ng mga magsasaka, ang libreng patubig sa lahat ng mga maliliit na magsasaka.
Ipinagpasalamat ng Provincial Government ang mga tulong at suportang ibinibigay ng National Government sa lalawigan.
Sa tala ng Office of the Provincial Agriculture (OPA), ang kalahati ng lupain sa probinsiya ay agricultural area o ang mahigit dalawang daan libong ektarya sa limang daan at limampung libong ektarya na kabuuang lupain ng lalawigan ay nakalaan sa pagsasaka. Habang ang pitumpung porsyento ng populasyon ay nakadepende ang kabuhayan sa agrikultura.
Ang Nueva Ecija pa rin ang nanatiling may hawak ng titulong “Rice Granary of the Philippines” at sa lalawigan din matatagpuan ang bayan na tinaguriang “Onion Capital of the Philippines.”
Kaya naman, malaki ang paniniwala ni Gov. Czarina ”Cherry” Umali na magiging matagumpay ang isinusulong niyang programa na maging sentro ng “agri-industrial” ang buong probinsiya.
Ang Agri Summit ay ginanap sa mismong araw na pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija. -Ulat ni Danira Gabriel