“First 1000 days ni baby, pahalagahan para sa malusog na kinabukasan.” Ito ang naging tema ng Department Of Health’s National Nutrition Council (DOH-NCC) bilang pagdiriwang ng National Nutrition Month ngayong taon.
Layunin nito na mabigyan ng kamalayan ang mga ina at sanggol upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan mula pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon.
Tinawag ni Provincial Nutrition Coordinator Iluminada De Guzman, na “Golden Opportunity” ang unang isang libong araw ng buhay ng bawat bata.
Napag-alaman sa isang pag-aaral na isinagawa ng National Demographic and Health Survey (NDHS), na isa sa apat na sanggol na ipinapanganak sa Pilipinas ay underweight o kulang sa timbang.
Sa tala naman ng DOH, maging ang isa sa apat na buntis sa bansa ay kabilang din sa underweight. Kaya’t delikado ang kalagayan ng kanilang kalusugan, dahil sa komplikasyon na hatid nito.
Ilan sa mga tinitignan na dahilan ng malnutrisyon, ang hindi pagpapasuso ng mga ina sa kanilang sanggol at ang sunod-sunod na pagbubuntis.
Sa katulad ni Nanay Benilda, malaking tulong umano ang ganitong klaseng aktibidad para sa kanya. Lalo na, labing anim na taon na mula noong siya ay huling magbuntis sa kanyang ikalawang anak. -Ulat ni Danira Gabriel