Dahil hindi umano sapat ang wage hikes na inaprubahan ng iba’t-ibang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa mga nakalipas na panahon, ay isinusulong ni Newly Appointed Dole-Undersecretary Joel Maglungsod ang 100 pesos pay hike at ang pagtigil sa kontraktwalisasyon sa mga manggagawa.
Nakikita umano kasi nito na may matinding pangangailangan sa immediate financial relief ang mga manggagawa sa buong bansa lalo na ngayon na may mga pagtaas sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinasabing ang 100 pesos pay hike ay isa lamang short-term solution sa pagdurusa ng mga manggagawang nakatatanggap lamang ng maliit na sweldo.
Habang nagbigay naman ito ng suhestyon na ibasura ang Wage Order No. 18 ng Department of Labor And Employment na nagpapatibay sa kontraktwalisasyon.
Kaugnay nito, ay inihayag ni Senior Labor And Employment Officer Lauro S. Villanueva ng DOLE-Nueva Ecija na pabor sila na tuluyan na ngang matigil ang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa sa buong bansa.
Ayon kay Villanueva, malaking suliranin para sa mga manggagawa ang palipat-lipat ng trabaho dahil sa lima o anim na buwan lamang na kontrata sa pinagtatrabahuhang kompanya o establisyemento, kaya malaking advantage aniya na mahinto na nga ang kontraktwalisasyon para sa mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, ay ipinatupad sa Region III ang labing limang pisong dagdag sa minimum wage ng mga private sector workers.
Nakasaad sa Section 2 ng Wage Order No. RBIII-19 ang bagong wage rate na ibinigay ay dapat na ipatupad sa lahat ng minimum wage earners o workers at mga manggagawa ng pribadong sektor sa Region III, anuman ang kanilang posisyon, katungkulan sa trabaho.
Hindi naman sakop ng wage order na ito ang mga household o domestic helpers at mga empleyado ng personal service tulad ng family drivers at mga manggagawa ng Barangay Micro Business Enterprises.
Samantala, hinikayat naman ni Villanueva ang lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor na may suliranin sa kanilang pinagtatrabahuhang kompanya na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang tanggapan sa Burgos Street, Knights of Columbus Building, Cabanatuan City para sa kaukulang paggabay.