MAHIGIT 1M KAWANI NG GOBYERNO, MAKATATANGGAP NG UMENTO SA SAHOD NGAYONG ENERO

Makatatanggap ng umento sa sahod ang 1.4 milyong kawani ng gobyerno ngayong buwan ng Enero.

Sinabi ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman na ito na ang huling bugso ng salary increase alinsunod sa Republic Act 11466 o Salary Standardization Law of 2019 o SSL V na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020.

Binigyang-diin nito ang mahahalagang papel na ginagampanan ng mga empleyado ng pamahalaan at umaasang ang karagdagang sweldo ay makatutulong upang mapawi ang epekto ng inflation o ang patuloy na pagtaas ng bilihin.

Saklaw ng salary standardization law ang lahat ng posisyon para sa civilian personnel regular man, casual o contractual, itinalaga o inihalal sa lahat ng sangay ng gobyerno, mga personnel ng LGUs, at mga nagtatrabaho sa barangay na binabayaran ng buwanang honoraria.

Hindi naman kasali sa last tranche ng dagdag sweldo ang mga kawani na walang employer-employee relationship at pinopondohan ng personnel services appropriations, gayundin ang mga sundalo at uniformed personnel, Government Owned and/or Controlled Corporations (GOCC) sa ilalim ng RA 10149, at mga indibidwal na ang serbisyo ay nasa ilalim ng job orders, contracts of services, consultancy o service contracts.

Base sa ikaapat na tranche ng Salary Standardization Law, pinakamababang makukuha ng isang government employee ay aabot sa P13, 000 para sa Salary Grade 1 na mas mataas sa kasalukuyang minimum wage.

Ang mga Teacher 1 naman ay makatatanggap ng P27,000 kada buwan mula sa dating P20,754 na basic salary noong 2019.

Huling bagsak na ito ng taas sahod para sa mga manggagawa ng gobyerno pero patuloy pa ring pinag-aaralan ng DBM kung kinakailangang magsabatas ng bagong SSL. Isinasaalang-alang din kung maaaring magdagdag ng iba pang benepisyo at allowance sa mga ito bukod pa sa kanilang basic salary.