MGA KATUTUBO SA NUEVA ECIJA, PINAGKALOOBAN NG KAPITOLYO NG BINHI NG SIBUYAS

Nakapagpunla na ng sibuyas ang mga katutubo sa lalawigan ng Nueva Ecija na nakatanggap ng mga binhi mula sa Provincial Government.

Ayon kay Bokal Emmanuel “Tamboy” Domingo, buwan pa ng Oktubre nang ipagkaloob ni Governor Aurelio Umali sa mga magsasakang katutubo mula sa Rizal, Bongabon, Pantabangan, Gabaldon, Laur at Gen. Tinio, ang mga binhi ngunit dahil sa masungit na panahon na nagdadala ng mga pag-ulan ay ngayong buwan ng Enero na sila nakapagsimulang makapagpunla.

May ilan na rin naman aniyang nauna nang nakapagtanim ng sibuyas habang ang iba naman ay baguhan pa lamang o unang pagkakataon pa lamang makapagtatanim nito.

Ang mga bundok na tinamnan sa Palale, Gen. Tinio at San Isidro, Laur ay basal o unang pagkakataon pa lamang aniyang matatamnan ng mga sibuyas kaya sapat na paggabay ang kanyang ibinibigay sa mga ito para masigurong aani at hindi masayang ang ipinagkaloob na binhi sa kanila.

Sinabi ni Bokal Tamboy na bagaman patuloy pa rin ang malamig na panahon at malimit na pag-uulan ay hindi na rin naman ito pinoproblema ng mga magsisibuyas dahil mataas ang kanilang lupang sakahan at hindi naiimbakan ng tubig.

Nakipag-ugnayan na rin aniya siya kina Gov. Oyie at Provincial Administrator Alejandro Abesamis upang mabigyan ng espasyo sa Cold Storage sa Palayan City ang mga aanihing sibuyas ng mga katutubo sa darating na buwan ng Marso, Abril, at Mayo.

Aabot sa 405 packs na binhi ng sibuyas ang ipinagkaloob sa mga katutubo bilang tugon sa kahilingan ni Bokal Tamboy sa pamahalaang panlalawigan para sa kanilang dagdag na pagkakakitaan.

Ipinagpapasalamat nila ito kina Gov. Oyie at Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Gov. Anthony Umali at nawa aniya ay hindi sila magsawang tumulong sa kanila.

Mensahe ni Bokal Tamboy sa kanyang mga kapwa katutubo na sana’y pahalagahan, pagyamanin at huwag sayangin ang bawat tulong na naibababa sa kanila upang maipakitang karapatdapat silang mapagkalooban nito.