Surprise cake para kay student, viral sa tiktok ni teacher
Umabot na sa 52.4 thousand reactions, higit 800 comments at 325 shares ang video ng surprise cake ni Teacher Francis Lorraine Censon-Sagcal para sa kanyang Grade 3 student, na in-upload niya sa kanyang tiktok account na Raine Censon.
Ayon kay Teacher Raine, ito umano ang unang pagkakataon na nagdiwang ng kaarawan ang syam na taong gulang na si Ronamie noong September 6, 2022, na matapos makunan ng video habang kinakantahan ito ng kanyang mga kaklase ay iyak daw ng iyak dahil sa labis na kasiyahan.
Kinumpirma naman aniya ng mga magulang ni Ronamie na ito ang unang pagkakataon na makaranas ang kanilang anak ng ganitong klaseng sorpresa lalo’t higit ang magkaroon ng cake sa mismong araw ng kanyang kaarawan, kaya naman nagpasalamat kay teacher ang mga magulang ng bata.
Sinabi ni Teacher Raine na sa tuwing tumutulong siya sa iba at nakikita niyang masaya ang kanyang tinulungan ay mas masaya daw ang kanyang puso, kaya ang mapangiti ang isa sa kanyang munting anghel sa eskwelahan ay nakapagbigay aniya sa kanya ng dobleng kaligayahan.
Nakasanayan na rin naman daw ni teacher Raine ang magpafeeding o magpakain sa kanyang mga estudyante quarterly, kapag may okasyon o kapag katapos ng exam ng mga bata, upang maiparamdam sa mga ito ang kanyang pag-aalaga at pagmamahal para sa kanila.
Mensahe ni Teacher Raine sa kanyang mga estudyante na ipagpatuloy lamang ang kanilang pag-aaral dahil darating ang araw na sila naman ang tutulong sa iba, at pagtutulungan naman para sa pagmamahal at pagkatuto ng mga bata ang mensahe niya para sa mga magulang.